By Victor Martin
DUPAX DEL NORTE, Nueva Vizcaya – Umabot sa 3,250 na tahanan ang nabigyan ng isang buwan na libreng bayarin sa kuryente para sa taong 2025 sa bayan ng Dupax del Norte sa lalawigang ito.
Ayon kay Mayor Tim Cayton, ang electric subsidy program ng lokal na pamahalaan na mas kilala bilang “Ilaw ng Tahanan sa Bayan ng Dupax del Norte” ay napagtibay sa pamamagitan ng isang ordinansa na ipinasa ng Sanguniang Bayan noong 2024.
Layunin ng nasabing panukala na mabigyan ng isang buwan na libreng bayarin sa kuryente, sa loob ng isang taon, ang lahat na mga residente sa Dupax del Norte mahirap man o may kaya sa buhay.
Nilinaw din ni Cayton na ang mga kwalipikadong benepisyaryo ay ang mga nagmamay-ari ng electric meters (kuntador) na nasa ilalim ng residential category ayon sa batayan ng Nueva Vizcaya Electric Cooperative (NUVELCO) at hindi kasali ang mga commercial establishments.
Ayon naman kay Municipal Councilor Atty. Paolo Cayton, pinuno ng Committee on Appropriation at may akda sa nasabing ordinansa, lahat ng mga may bayarin ng mas mababa sa P500 ay tatanggap ng buo na P500, P1,000 naman ang tatanggapin kung ang electric bill nila ay mas mababa sa P1,000 at P1,500 kung mas mataas sa P1,000 ang bayarin.
Samantala, tumanggap din nitong Linggo ng tulong pinansyal ang lahat na mga Barangay Tanod, Lupong taga-pamayapa, Purok leaders, solo parents, Senior Citizen, rice at vegetable farmers at lahat ng mga guro sa nasabing bayan.
Bukod sa mga ito ay regular din na may financial na tulong mula sa LGU ang lahat ng mga magsasaka ng mais, kasambahay, drivers, rebel returnees, OFW, SK officials, maging ang mga dating bilanggo.
Si Cayton ay kinilala noong 2023 bilang outstanding Mayor of the Philippines dahil sa kanyang mga kakaibang programa sa larangan ng social services lalo na noong panahon ng COVID-19.
Samantala, mula 2rd class municipality ay itinanghal na first class municipality ang Dupax del Norte nitong buwan ng Enero dahil sa mabilis na pag-angat ng ekonomiya at magandang pamamahala ng mga lokal na opisyal.