By Danny Estacio
LUCENA CITY, Quezon– Umabot sa 2000 kabilang sa tinaguriang near poor sector na mga manggagawa sa restaurants, food chains, beauty salons, funeral parlors, motor shops, media at iba pa na tumatanggap ng hindi sapat na sahod kada buwan ang inisyal na benepisyaryo ng bagong programa ng gobyerno na tinawag na Ayuda para Kapos ang Kita Program (AKAP) na inilunsad sa siyudad na ito.
Si House Deputy Speaker David C. Suarez ang nangasiwa sa payout na ipinatupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) regional office nitong Hulyo 18 at 19 na ginanap sa STI gymnasium.
Ang mga benepisyaryo ay pawang mga residente ng siyudad na pumasa sa itinakdang resikitos ng DSWD.
Ang bawat isa sa kanila ay tumanggap ng tig-P5,000 na may kabuuang halaga na aabot sa P10 milyon.
Ayon kay Suarez nadiskubre nila sa Kongreso ang programa sa panahong ng kanilang deliberasyon ng national budget noong 2023 na may sektor na hindi nabibigyan ng tulong mula sa pamahalaan nasyonal at tanging mga benepisyaryo lamang ng TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers at Aid to Individuals in Crisis Situation (AICS) ang nabibigyan ng ayuda mula sa national government, na kung tawagin ay poorest of the poor, sapagkat sila ang nakadisenyo sa programa ng ayuda na mas higit na nangangailangan, ayon kay Suarez.
At dahil sa hiyawan ng mga manggagawa na kapos ang kita sa tuwing may pagkakaloob ng ayuda para sa dalawang naturang benepisyo at dito nadiskubre ang bagong sektor na ito na tinawag na AKAP.
Ito ang sektor ng near poor, sila ay may trabaho subalit kulang ang kinikita upang ipangtustos sa kanilang pang-araw-araw na gastusin sa bahay at sa pamilya,ayon pa kay Suarez.
Inilunsad sa Lucena City ang AKAP at kasunod nito ay sa mga bayang ikalawang distrito ng Quezon, Sariaya, Candelaria, Tiaong, San Antonio, at Dolores at ipararating din sa maging sa buong lalawigan sa pamamagitan ng Alona Partylist Representative Anna V. Suarez.
Naisakatuparan ang programang ito sa paglalaan ng pondo ng Kongreso sa pamamagitan ni House Speaker Martin Romualdez base sa social services program ni Pangulong Bongbong Marcos.